Here's the much-awaited Dear Bo story for this week!
Ako si Hilarion T. Salvaña, 70 taong gulang, may asawa, walang anak, at kilala sa tawag na Lolon. Isa akong retiradong school official ng DECS (DepEd ngayon) at retirado ring propesor sa isang malaking unibersidad sa aming lalawigan. Isang kakilala ang nag-suggest” sa akin na mag-“Like” sa iyong page sa facebook kamakalawa lamang na kaagad ko namang ginawa.
Araw-araw akong nagfe-facebook mula noong lumabas ako sa ospital dahil sa isang aksidente at di ko nakakaligtaang buksan ang application na Message from God (bagamat hindi ko tiyak na ang mensahe ay talagang galing nga sa Diyos sapagkat alam kong gawa lamang ito ng mga taong nagpapatakbo ng nasabing application sa facebook). Malimit na tumutugma sa akin ang mga mensaheng nakukuha ko araw-araw. Kaya’t naiisip kong sana nga ay guided by the Holy Spirit ang sumusulat ng mga mensaheng ito upang maraming tao ang mabiyayaan.
Lunes, Hunyo 28, 2010, nang ang makuha kong Message from God para sa akin ay ganito:
“God wants you to know that there are no accidents. What you think of as accidents are simply your conversations with God that you haven’t yet been able to understand. But take heart, all happens in God’s will and every conversation has deep meaning for you.”
Pinilit kong unawain ang mensahe. Sa simula ay nahihirapan akong unawain ang nilalaman nito ngunit nang maalaala ko at paglimi-limiin ang pamamalagi ko sa ospital ng halos dalawang linggo dahil sa aksidenteng nangyari sa akin ay nagkaroon ito ng liwanag ito sa aking pang-unawa. Ganito, humigit-kumulang, ang aksidenteng nangyari sa akin.
Noong Abril 11, 2010, nanood kaming mag-asawa ng sine sa Cinema 2 sa SM City Lucena. Sabi ko noon sa Mrs. ko: “Mag-celebrate naman tayo dahil lahat ay normal ang resulta ng aking blood tests pati ng whole abdomen ultrasound.” Ang palabas noon ay Clash of the Titans. Dakong gitna na ng pelikula ang inabot namin kaya sa dakong gitna rin ng palabas kami tumayo para lumabas ng cinema. Madilim pa sa loob. Walang usher na tumanlaw sa amin kaya pagdating sa hagdang pababa, akala ko’y pantay pa ang tatapakan ng kanan kong paa. Iyon pala’y step na. Kaya nagpagulong-gulong akong nahulog sa hagdan at tumama sa sementong sahig ang aking ulo. Nagkabukol ako ng sinlaki ng pandesal at nagdugo ang aking kaliwang tainga at ilong. Isinugod ako sa Mount Carmel Diocesan General Hospital sa Lucena at nagsuka ako ng dugo pagdating doon. Sa pagsusuri ng mga doctor na gumamot sa akin, napag-alamang may fracture sa dakong kaliwa ng aking skull, may lumalabas na brain fluid mula sa fracture, at may damage sa aking kaliwang ear drum. Dalawang linggong pinigil ako sa ospital upang mabigyan ng heavy dosage ng antibiotic na sa dextrose pinadadaan.
Sa loob ng pananatili ko sa ospital, panay ang aking dasal at paghingi ng panalangin sa lahat ng maaabot ng aking cellular phone, ng land line, at sa iba pang mga paraan. Pito o walong araw, humigit kumulang, mula nang ipasok ako sa ospital, parang may lakas na nagtulak sa akin na gawin na ang matagal ko nang gustong gawin ngunit hindi ko magawa: ang mangumpisal (sapagkat bagaman at nagsisimba ako tuwing araw ng Linggo at nagdadasal bago matulog at pagkagising, maraming taon na akong hindi nakakapangumpisal). Nagawa kong mag-text sa kapatid at pamangkin ng isa kong kakilalang pari na hilingin kay Father na sana’y dalawin ako sa ospital upang makapangumpisal sa kanya.
At nangyari ang matagal ko nang gustong mangyari. Dumating si Father isang hapon at taimtim na pinakinggan ang aking pangungumpisal sa kanya. Pagkatapos noon, halos araw-araw sa ilan pang araw na inilagi ko sa ospital na tumanggap ako ng sakramento ng pakikinabang. Itinuring ko itong isang napakalaking biyaya.
Sa ngayon, mabuti na ang aking kalagayan bagamat kailangan pang obserbahan sa loob ng anim na buwan para ma-monitor kung may iba pang pinsalang maaaring nangyari sa aking utak. Naghilom na ang nasirang left ear drum, subalit naapektuhan ang aking pandinig kaya kinailangan akong gumamit ng hearing aid. Hindi pa ako makalakad na mag-isa sa pangambang baka ako mahilo at muling mapahampas ang ulo sapagkat humina rin ang aking tuhod. Tuwing araw ng Linggo at mga araw ng check-up ko sa mga doktor lamang ako nakakalabas ng bahay kasama ang aking Mrs.
At noon ngang Hunyo 28, 2010, ganoon nga ang mensaheng tinanggap ko mula sa Message from God. At naunawaan ko ang kahulugan nito. Ang “aksidente” ng pagkahulog ko sa hagdan ng cinema ay hindi pala talagang aksidente sapagkat marahil, ito’y inibig ng Diyos na mangyari sa akin upang makinig ako sa Kanya. Marahil, matagal na rin akong kinakausap ng Diyos tungkol dito ngunit hindi ko ito napapansin (o kaya’y talagang hindi ko ito pinapansin). Kinailangan pa ang isang “aksidente” (na ayon sa Message form God na tinanggap ko ay isang paraan ng Diyos upang mapakinggan ko at maunawaan ang gusto niyang sabihin sa akin) upang maging lubos akong mapalapit sa Kanya.
At naisip ko rin: Marami palang paraan at maraming bagay na ginagamit na instumento ang Diyos upang matupad ang kanyang kalooban dito sa lupa para sa bawat isa sa atin, halimbawa’y ang facebook o anumang katulad nito na hindi lamang isang uri ng mapapaglibangan at mapapagpalipasan ng oras kundi maaari ring maging tulay na maghahatid sa atin sa lalong malalim na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos para sa bawat isa sa atin upang tayo’y lalong mapalapit sa Kanya.
At sa huli, naisip ko rin na sa bawat aksidenteng maranasan natin, hindi pala dapat isipin na ito’y isang “aksidente” lamang sa pagkakaunawa ng tao kundi isang pangyayaring naayon sa kalooban Niya para sa atin at ginagawa niyang paraan upang magkaroon tayo ng puspusang pakikipag-usap sa Kanya at magawa natin ang Kanyang ninanais para sa ating ikabubuti.
Kahapon, sinimulan ko na ang halos araw-araw na pagtunghay sa iyong page sa facebook upang makibahagi sa mga magaganda at makabuluhang butil ng kabanalan na ipinahahayag mo at ng iba pang mga sumusubaybay sa page page na ito.
Maraming salamat. Purihin ang Diyos!
HILARION “LOLON” T. SALVAÑA "
_________________________________________________________________________________________________
Dear Lolon,
I'm inspired by your sharing.You responded to your "accident" with faith.God uses whatever circumstances for our good--and He indeed blessed you so much.
Blessings!
Bo
No comments:
Post a Comment